Pusher sinalvage
MANILA, Philippines - Isang lalaking hinihinalang drug pusher ang umano’y sinalvage at natagpuan sa San Juan City kahapon ng madaling-araw.
Isang karatula na may nakasulat na, “Drug pusher ako, huwag tuluran,” ang natagpuang nakapatong sa bangkay na inilarawan na nasa edad 25 hanggang 30 at may taas na 5’4’’- 5’5’’.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr.Supt. Mario Soriano, District Director ng Eastern Police District (EPD), dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kanto ng L. Gruet at Barcelona Sts., sa Brgy. Maytunas.
Hinihinalang patay na ang biktima nang itapon sa lugar dahil bagama’t may tama ito ng punglo sa ulo ay wala naman umanong narinig na putok ng baril ang mga residente sa lugar.
Hindi rin umano kilala ng mga residente ang biktima kaya’t malaki ang posibilidad na sa naturang lugar lang itinapon ang bangkay upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending