Binatilyo utas sa resbak

MANILA, Philippines - Hinihinalang nag-ugat sa gang war ang pagpatay sa isang 17-anyos na out-of-school youth sa harapan ng De La Salle University, sa Taft Avenue, Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si John Paul Nala,  ng  #4716 Arellano St., Palanan, Makati City dahil sa tinamong saksak sa  dibdib at kamay.

Sa isang follow-up ope­ration na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police  District-Station 9, na­dakip ang isa sa itinurong suspect na si Leonel Colo, 25, pedicab driver, ng #1153 San Antonio, Singa­long, Malate, Maynila, habang nakatakas ang isa pang suspect na alyas “Jayson”, 16, ng Arellano Ave., Malate, Maynila.

Nabatid na bandang alas-3:00 ng madaling- araw habang nagbibisikleta ang biktima at da­lawa pa niyang kaibigan papauwi ng bahay nang harangin ng mga suspect  na sakay ng pedi-cab. Bumaba sa pedicab ang mga suspect at agad inundayan ng saksak ang biktima.

Naaresto naman si Colo sa paradahan ng pedicab habang naghihintay ng pasahero at positibong tinuro ng mga saksi, na kapwa menor-de-edad at kaibigan ng biktima.

Mariing dumepensa si Colo na sumakay lamang ang suspect at wala siyang alam sa pananaksak nito.

Show comments