Utak sa pagpaslang sa mag-asawang politiko, tukoy na
MANILA, Philippines - Politically motivated ang pag-ambush sa mag-asawang politiko mula sa Pangasinan kung saan namatay ang dating vice mayor ng lalawigan at misis nitong barangay chairman matapos pagbabarilin ng gun for hire noong Marso 7 ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Ito ang nabatid mula kay Sr. Insp. Joey Ocampo, hepe ng Manila Police District- Homicide Section kahapon.
Ayon kay Ocampo, mayroon na silang lead kung sino ang mastermind, gayundin sa bumaril at pumatay kay Ramon Arcinue, 55 at misis nitong si Zorahayda, 55, barangay chairman na kapwa residente ng Brgy. Poblacion, Lingayen, Pangasinan.
Isang hired killer na tinatayang nasa 30-anyos ang nagsagawa ng paglikida sa mag-asawa dakong alas-10:50 ng gabi sa harap ng tinutuluyang apartment ng kanilang anak sa A. Maceda St. Sampaloc, Maynila.
Ang deskripsiyon ng gunman ay bunsod na rin sa testimonya ng saksi na nakaharap at nakakita sa insidente.
Nagsasagawa pa rin ng follow up operation ang mga awtoridad.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang mag-asawa Arcinue.
- Latest
- Trending