Nationwide transport strike, tuloy

MANILA, Philippines - Tuloy ang gagawing pagkilos ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa darating na Huwebes kahit na ibigay sa Miyerkules ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 50 sentimong taas sa singil sa pasahe.

Bukas ay ipalalabas ng LTFRB ang desisyon nito sa kahilingan ng transport groups na maitaas ng 50 sentimo ang pasahe sa jeep o maibalik sa P8.50 ang minimum fare sa jeep.

Sinabi ni Goerge San Mateo, national President ng PISTON, ang malawakang Peoples Protest na gagawin ng kanilang hanay sa Huwebes ay sasamahan ng mga miyembro mula sa mga grupong Gabriela, Courage, Kilusang Mayo Uno, Bayan Muna, Anakbayan at iba pa para maipakita kay Pangulong Noynoy Aquino ang kanilang pagtutol sa buwis sa langis at sa nagaganap na overpricing sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Aniya, maging sa iba’t ibang mga lalawigan ay magsasagawa rin ng kanilang mga protesta tulad sa Davao, Laguna partikular sa Sta Rosa, Cabuyao, San Pedro gayundin sa Bacolod at Gen. Santos City.

Sinabi ni San Mateo na tuloy ang protesta dahil wala namang nagagawang aksiyon si Pangulong Aquino para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo at walang habas na overpricing sa presyo nito.

Show comments