Kargador utas sa solvent boy
MANILA, Philippines - Patay ang isang kargador matapos na pagsasaksakin ng hinihinalang solvent boy sa Parola Compound, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Bigong maisalba pa sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Cristobal Peñaranda, 39, at residente ng no. 1753 Gate 13, Area B, Parola Compound, Tondo, Maynila dahil sa tama ng saksak sa tagiliran, kili-kili at likod.
Nasukol naman ang suspect na si Jayson Rodenis, ng Gate 13, Parola Compound, Tondo sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASH) kung saan ito nagpagamot ng kanyang sugat nang magtamo ng tama ng bala sa hindi pa natukoy na nagpaputok ng baril matapos niyang saksakin ang biktima.
Sa ulat ni PO3 Rodel Martinez,ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 4:00 ng madaling araw kahapon nang lumabas umano ang biktima dala ang aso. Sa paglabas ng biktma, nakita niya ang suspect na nasa tapat ng bahay nila na sumisinghot umano ng solvent kaya pinaalis ito.
Umalis naman ang suspect sa tapat ng bahay ng biktima subalit nang muling madaanan ng huli ang una muli siyang itinaboy nito papalayo, na ikina-bad trip umano ng suspect kaya inilabas ang dalang patalim at tatlong beses na sinaksak sa katawan ang biktima.
Matapos ang pananaksak ay tumakas na ang suspect subalit dalawang putok ang umalingawngaw at nakitang may tama na ito ng bala na kusang nagtungo sa GABMMC. Nang hindi naasikaso ay nagpasya ang suspect na lumipat sa JJASGH, kung saan siya natunton ng mga rumespondeng miyembro ng MPD.
- Latest
- Trending