2 kelot niratrat sa QC: 1 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang patay habang isa pa ang sugatan makaraang paulanan ng bala ng baril habang sakay ang mga ito sa isang tricycle ng apat na kalalakihan lulan ng isang van kahapon ng madaling-araw sa lungsod Quezon.

Namatay habang isinusugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Marlon Galisao, 23, assistant cook ng isang restaurant habang sugatan naman kasama nitong si Amelito Aceres, 22.

Batay sa inisyal na impormasyon, naganap ang insidente pasado alas-4:20 ng madaling-araw kahapon sa may Bloomfield Subdivision, Maligaya Park sa Quezon City.

Sinasabing sakay noon ng tricycle ang mga biktima nang tabihan umano sila ng isang kulay silver na van (ZPU 998) sakay ang apat na kalalakihan.

Pagkabukas umano ng bintana ng van ay bigla na lamang pinaulanan ng bala ng baril ang mga biktima at saka tumakas ang mga suspek.

Blangko pa ang pulisya sa motibo at kung sino ang posibleng gumawa ng krimen habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

Show comments