Mag-asawang pulitiko, utas sa ambush sa Maynila
MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang mag-asawang politicians, na ang lalaki ay dating vice mayor habang ang misis nito ay kasalukuyang barangay chairman sa Lingayen, Pangasinan matapos pagbabarilin ng isang ’di pa kilalang salarin makaraang dumalaw sa kanilang anak sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Patay na nang idating sa University of Sto.Tomas (UST) Hospital ang mag-asawang biktima na kinilalang sina Ramon Arcinue, 55, at asawa nitong si Zorahayda Arcinue, 55, chairman sa Brgy. Poblacion, Lingayen, Pangasinan, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa kanilang ulo.
Sa ulat ni SPO2 Edmundo Cabal ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:50 ng gabi nang maganap ang pananambang sa harap ng tinutuluyang apartment ng kanilang anak sa A. Maceda St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na binisita lamang mg mag-asawa ang kanilang ga-graduate na anak na kanila ring dinalhan ng pagkain nang maganap ang insidente.
Pagbaba umano sa kanilang Honda-CRV ng mag-asawa ay biglang sumulpot ang gunman at saka sila pinaulanan ng putok ng baril. Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang ang suspect patungong España at saka sumakay ng bus na papuntang Fairview, Quezon City.
Sinabi ng isang tricycle driver na nakita niya ang suspect na nakasuot ng jacket at sumbrero, nakatayo sa kanto ng A. Maceda St. bandang alas-8:00 pa lamang ng gabi at mistulang may hinihintay. Inalok pa umano niya ito kung sasakay subalit biglang tumawid at nagtungo sa lugar kung saan nilapitan ang pumaparadang sasakyan ng mga biktima.
Unang bumaba si Zorahayda, na nasa tapat na ng gate ng apartment nang malapitang barilin sa ulo gamit ang kalibre .45 baril at isinunod ang mister na sa ulo rin pinaputukan habang bumababa ng sasakyan.
Maaaring sinundan pa mula sa Lingayen, Pangasinan ang dalawang biktima upang sa Maynila isagawa ang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang mag-asawa umano ay una nang kapwa nasugatan nang tambangan ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo noong Marso rin ng nakalipas na taon, sa Binmaley, Pangasinan nang manggaling umano sa Dagupan, habang sakay ng kanilang kotse.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at nakikipag-ugnayan din ang MPD sa Pangasinan Police para sa pagresolba sa kaso.
- Latest
- Trending