Janitors ng PUP nagrali
MANILA, Philippines - Maging mga janitor ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay nagsagawa na rin ng sarili nilang kilos-protesta upang tuligsain ang umano’y iligal na pagtatanggal sa kanila sa trabaho.
Sinamahan pa ng mga miyembro ng militanteng estudyante buhat sa SJPUP at miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kilos-protesta kahapon ng mga janitor sa Mabini Campus ng PUP sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa reklamo ng mga janitor, pinangakuan umano sila ng pamunuan ng unibersidad sa pangunguna ni PUP Office-in-charge Atty. Estelita dela Rosa nitong Pebrero 16 na ia-absorb ng ahensyang Carebest kapag nakumpleto ng mga ito ang mga papeles tulad ng NBI/Police clearance, health clearance at barangay clearance.
Isang “memorandum of agreement” pa ang pinirmahan ng mga janitors sa pamunuan ng PUP para maipaglaban ang kanilang trabaho.
Ngunit nang opisyal na kinuha na ng PUP ang serbisyo ng Carebest, hindi nito tinupad ang kasunduan na pinirmahan at pinalitan lahat ng lumang janitors ng unibersidad. Tumanggi na rin umano si Dela Rosa na kilalanin ang pinirmahang MOA.
Ayon kay SJPUP Rey Cagomo, hindi isinaalang-alang ng pamunuan ng PUP ang matagal na serbisyo ng mga janitor sa unibersidad na ang ilan ay dekada nang nagtatrabaho dito.
Sinabi naman ni Dela Rosa na naiintindihan niya ang paghihirap ng mga janitor ngunit nasa Carebest umano ang problema dahil sa tumanggi ito na kilalanin ang kasunduan at hindi rin nakikipagpulong sa kanya.
- Latest
- Trending