3 holdaper tiklo sa hideout
MANILA, Philippines - Hindi natakasan ng tatlong kilabot na holdaper ang ginawang panghoholdap sa mga pasahero ng isang bus nang masakote ang mga ito habang pinaghahatian ang kanilang mga nadilihensya, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Alberto Ocana, 33; Randy Tablante, 31; at Bryan Cruz, 28, pawang mga miyembro ng ‘Sigue-Sigue Sputnik gang’.
Sinampahan ang mga ito ng kasong panghoholdap ng mga biktima nilang sina Victorio Fajilan, Jr., 28; Jean Minoza, 51; at Jullian Pinga, 20, estudyante.
Sa ulat ng Pasay City police, nagpanggap na mga pasahero ang tatlong suspek na sumakay sa Malanday Bus Transport buhat sa Buendia, Pasay at patungo ng Makati dakong ala-1 kamakalawa ng hapon.
Nang sumapit sa kanto ng F.B. Harrison Street, dito naglabas ng mga baril at patalim ang mga suspek at nagdeklara ng holdap at saka nilimas ang mga gamit at pera ng mga pasahero at saka bumaba pagsapit ng kanto ng Leveriza Street.
Nagpahatid naman ang mga biktima sa driver ng bus sa Police Community Precinct 2 kung saan positibong nakilala sa rouge gallery ang isa sa mga suspek. Dito agad nagsagawa ng operasyon ang pulisya at unang naispatan ang suspek na si Ocana sa may G. Villanueva Street na agad na nagtatakbo sa isang eskinita at pumasok sa isang barung-barong.
Mabilis namang sinundan ng mga pulis ang suspek kung saan naabutan ito at ang mga kasamahan na abala sa paghahati-hati ng kanilang mga nakulimbat na gamit at pera.
- Latest
- Trending