600 kilo ng botcha nasamsam sa Pasay
MANILA, Philippines - May 600 kilo ng carabeef ang nakumpiska ng mga tauhan ng Pasay City Veterinary Office sa biglaang inspeksyon sa Pasay City Public Market kahapon ng madaling-araw.
Dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang lusubin ng mga tauhan ng Veterinary Office sa pangunguna ni Dr. Ronaldo Bernasor ang naturang pamilihan sa may Libertad St.
Agad na namataan ng mga tauhan ng pamahalaan ang daan kilong karne na nakaimbak sa ilalim ng mga puwesto ng mga tindero na nagmamadaling tumakas makaraang mabalitaan ang pagdating ng mga awtoridad.
Nabatid pa na isang nagngangalang Edith ang isa sa may-ari nang kanilang nakumpiskang double dead na kalabaw na binebenta sa nasabing palengke.
Bigo naman ang mga kinauukulan na mahuli ang mga may-ari ng kanilang nakumpiskang bulok na karne.
Dinala naman sa crocodile farm sa may CCP Complex sa Pasay City ang mga nakumpiskang botchang karne para mapakinabangan ng mga alagang buwaya sa halip na mga inosenteng tao ang mabiktima ng mga ito.
- Latest
- Trending