3 bata nilamon ng apoy
MANILA, Philippines - Magkakasamang nasawi ang tatlong batang magpipinsan matapos makulong sa loob ng kanilang tahanan na tinupok ng apoy sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Matinding pagkasunog ang inabot ng mga biktimang sina John Angelo Alberca, 2; John Jason Alberca, 2; at si Chris Alberca, 3, pawang nakatira sa 2297 F.B, Harrison Street.
Isinugod naman sa Pasay City General Hospital ang 11-katao na pawang nagtamo ng mga bahagyang paso at sugat sa katawan nang bumalik sa kani-kanilang bahay at pinilit na magsalba ng mga ari-arian.
Base sa ulat ng Pasay Fire Department, sumiklab ang apoy dakong alas-11:30 ng gabi sa FB Harrison Street na sinasabing nagmula sa naiwang nakasinding kandila sa isa sa mga bahay na naputulan ng kuryente.
Agad na kumalat ang apoy at nadamay ang 80 kabahayan kung saan bandang alas-2:50 ng madaling araw kahapon naapula ang sunog na umabot sa ikaapat na alarma.
Nabatid na bumili ng gamot ang ina ng isa sa mga bata na si Janice Alberca kung saan naiwan ang mga biktima na natutulog sa kanilang tahanan.
Aabot naman sa 250-pamilya ang naapektuhan ng sunog kung saan pansamantalang ginawang evacuation center ang Pasay City Sports Complex.
Samantala, 30 pamilya naman ang naabo rin ang kanilang mga tahanan sa naganap na sunog sa Barangay San Miguel, Pasig City kahapon ng umaga .
Nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Anita Lagrimas bandang alas-10:30 ng umaga dahil sa sinasabing napabayaang sinaing. (Dagdag ulat ni Mer Layson)
- Latest
- Trending