Presyo ng petrolyo, tumaas na naman
MANILA, Philippines - Makaraang lusubin ng mga militanteng grupo at batuhin ng pintura ang kanilang tanggapan, muling pinangunahan ng Pilipinas Shell ang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa kahapon ng umaga.
Kasabay ng Shell na nagtaas ang isa pang miyembro ng Big 3, ang Chevron Philippines dakong alas-6 kahapon ng umaga na nagtaas ng P.50 sentimos kada litro ng mga produktong gasolina at diesel, P.60 sentimos kada litro ng regular gasoline at P1 kada litro ng kerosene.
Wala namang abiso ang Petron Corporation kung saan inaasahan na susunod rin ito sa naturang galaw habang P.50 sentimos naman kada litro sa diesel at gasolina ang itinaas ng independent player na Phoenix Petroleum.
Nitong nakaraang Miyerkules, una nang nagtaas ang Total Philippines at Eastern Petroleum ng P.50 kada litro ng gasolina at diesel.
Una rin namang nagpatupad ng P6 kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) o P66 kada 11-kilong tangke ang Liquigaz nitong nakaraang Huwebes.
- Latest
- Trending