MANILA, Philippines - Ikatlo ang lungsod ng Maynila na may pinakamaruming hangin.
Ito ang lumitaw sa isinagawang Clean Air Summit alinsunod na rin sa naitalang maruming hangin mula sa mga pampubliko at pribadong sasakyang nagbubuga ng maiitim na usok.
Nabatid na nangunguna ang lungsod ng Caloocan (Monumento) na sinusundan naman ng Pasay (MRT) sa may pinakamaruming hangin habang pangatlo naman ang Manila (Taft) sa buong Metro Manila.
Ayon kay Anti-Smoke Belching Unit chief Jowie Sean Arriza Humady, ito’y matapos na bumaba ng 80 porsiyento ang Total Suspended Particles sa Kamaynilaan. Sa kasalukuyan ay nasa 101 TSP kumpara sa dating 161 TSP.
Giit ng Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), matinding panganib umano sa kalusugan ng publiko ang ‘particulate matters’ na nalalanghap na hangin mula sa mga bus, truck, at jeepney.
Napag-alaman na umaabot sa mahigit 50 sasakyan ang nahuli ng ASBU na nasa ilalim ng pamumuno ni Department of Public Service Director ret Col. Carlos Bal tazar kung saan karamihan dito ay mga bus ng San Agustin, Greenstar, Jetro, Jhoncy, at Earthstar at jeep, na nagbubuga ng matinding polusyon sa hangin na hindi pumapasa sa 2.5 level sa opaci meter.