Taxi driver utas sa sekyu ng subdibisyon

MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang nasawi makaraang ba­rilin ng naka-alitang secu­rity guard hingil sa sampung pisong halaga ng ticket para makapasok sa isang subdibisyong binabantayan ng una sa lungsod Quezon kamakalawa.

Si Darwin Jandoc, 38, ng Love St., Jordan Ville Subdivision, Brgy. Baesa ay nagawa pang maisugod sa Bernardino hospital ngunit binawian din ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa sikmura.

Tugis naman ng pu­lisya ang suspect na si Roger Gonzales, 33, security guard ng The Blessed Security Agency­ na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa may security outpost na nakatayo malapit sa Tullahan Bridge sa Brgy. San Bartolome, Novaliches ganap na alas-8:45 ng gabi.

Bago ito, sakay ng kanyang Sturdy taxi (TXX-637) ang biktima kasama ang mga pasaherong sina Candice Cubelo at Ma. Alicia Soccoro Aranas at da­lawa pang kasamahan nila na nagpahatid sa Kingspoint Subdivision, Novaliches.

Pagsapit sa nasa­bing outpost, pinara ang taxi ng suspect na si Gonzales na nagbabantay dito at iniaabot ang isang piraso ng ticket na halagang P10 sa biktima bilang bayad sa pagpasok sa lugar.

Pero umapila ang mga pasahero ng biktima sa suspect at si­na­bihan itong mga re­ sidente sila sa subdibisyon. Nang paandar na ang taxi ay bilang kinalampag ng suspect ang hu­lihan nito sanhi para bumaba si Jandoc at komprontahan siya.

Sa kainitan ng pagtatalo ng dalawa nang biglang magbunot ng baril ang suspect at binaril ang biktima sa tiyan saka mabilis na tumakas.

Patuloy ang pagsi­siyasat ng pulisya sa na­sabing insidente.

Show comments