Taxi driver utas sa sekyu ng subdibisyon
MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang nasawi makaraang barilin ng naka-alitang security guard hingil sa sampung pisong halaga ng ticket para makapasok sa isang subdibisyong binabantayan ng una sa lungsod Quezon kamakalawa.
Si Darwin Jandoc, 38, ng Love St., Jordan Ville Subdivision, Brgy. Baesa ay nagawa pang maisugod sa Bernardino hospital ngunit binawian din ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa sikmura.
Tugis naman ng pulisya ang suspect na si Roger Gonzales, 33, security guard ng The Blessed Security Agency na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may security outpost na nakatayo malapit sa Tullahan Bridge sa Brgy. San Bartolome, Novaliches ganap na alas-8:45 ng gabi.
Bago ito, sakay ng kanyang Sturdy taxi (TXX-637) ang biktima kasama ang mga pasaherong sina Candice Cubelo at Ma. Alicia Soccoro Aranas at dalawa pang kasamahan nila na nagpahatid sa Kingspoint Subdivision, Novaliches.
Pagsapit sa nasabing outpost, pinara ang taxi ng suspect na si Gonzales na nagbabantay dito at iniaabot ang isang piraso ng ticket na halagang P10 sa biktima bilang bayad sa pagpasok sa lugar.
Pero umapila ang mga pasahero ng biktima sa suspect at sinabihan itong mga re sidente sila sa subdibisyon. Nang paandar na ang taxi ay bilang kinalampag ng suspect ang hulihan nito sanhi para bumaba si Jandoc at komprontahan siya.
Sa kainitan ng pagtatalo ng dalawa nang biglang magbunot ng baril ang suspect at binaril ang biktima sa tiyan saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending