Rapist-killer ng biyuda, timbog
MANILA, Philippines - Natiklo na ng pulisya ang lalaking umano’y pumatay, gu mahasa at nagnakaw sa isang biyuda sa Valenzuela City sa isang follow-up operation na isinagawa sa Pampanga kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Wilson Rubio, 33, nakatira sa F. Santos St., Brgy. Pasolo, Valenzuela City, sumasailalim ito sa interogasyon ng mga kagawad ng Valenzuela City Police.
Sa report na natanggap ni Sr. Supt. Wilben Mayor, hepe ng Valenzuela City Police, nakatanggap sila ng tip mula sa isang impormante na nagsabing ang suspek ay nagtatago sa San Luis Pampanga.
Nabatid pa rin na isang saksi na hindi na pinabanggit ang pangalan ang nakakita kay Rubio, nang ito ay tumalon mula sa pader ng bahay ng biktimang si Nerrisa De Guia, 43. Magugunitang Pebrero 20, ng taong kasalukuyan, dakong alas-6:00 ng umaga ay natagpuan na ang hubo’t-hubad na bangkay ni De Guia ng kanyang mga kaanak.
Dahil sa impormasyong ito ay agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Valenzuela City Police sa pamumuno ni Sr. Supt. Mayor sa San Luis Pampanga, dakong alas-10:00 ng gabi nahulog sa kamay ng pulisya ang suspek na si Rubio.
Ayon pa sa pulisya, itinatanggi ng nabanggit na suspek, na ginahasa at pinagnakawan niya ang nasabing biktima at tanging inamin lamang nito ay pinatay niya ang nabanggit na biyuda.
- Latest
- Trending