P15-M natupok sa bodegang nasunog
MANILA, Philippines - Aabot sa P15 milyon ang halaga ng mga ari-ariang naabo nang matupok ang isang bodega na naglalaman ng iba’t-ibang produkto sa Parañaque City, kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bago mag-hatinggabi sa warehouse sa km 16 sa East Service Road sa Brgy. Martin de Porres sa naturang lungsod. Pansamantala namang isinara sa daloy ng trapiko ang bahagi ng South Luzon Expressway dahil sa apoy.
Sa inisyal na pagsisiyasat, naglalaman ang warehouse ng mga grocery items at mga produktong mabilis magliyab tulad ng mga plastic, mga alak at mga karton.
Ayon kay City fire marshal Superintendent Manuel Manuel, umabot ng ika-limang alarma bago ito idineklarang under control alas-4 ng madaling-araw.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang dahilan ng sunog bagama’t may inisyal na impormasyon na bunsod ito ng electrical overload.
- Latest
- Trending