Lider ng Lambda Rho Beta chapter, lumutang sa NBI
MANILA, Philippines - Kahit wala pa umanong isinasampang pormal na reklamo kusa nang lumutang sa tanggapan ng Death Investigation Division (DID) ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pinuno o grand Rhoan ng Lambda Rho Beta Chapter sa San Beda na si Mike Escobal, third year law student ng nasabing kolehiyo. Dahil ka-brod o iisa ang kinaanibang fraternity, si Justice Secretary Leila de Lima na ang nagprisinta sa media kay Escobal.
Mabilis umano ang tugon ng Lambda Rho fraternity sa kanyang panawagan na makausap ang grand Rhoan para tumulong sa pag-iimbestiga sa diumano’y naganap na hazing sa Antipolo City kung saan namatay ang neophyte na si Marvin Reglos.
Si Escobal ay itinurn over sa Death Investigation Division ng NBI para sumailalim sa pagtatanong pero hindi pa raw siya maaaring idetine dahil wala pa namang reklamo na naisasampa laban sa kanya.
Bukod kay Escobal, mayroon pa umanong tatlong miyembro ng nasabing fraternity ang kusang magpapaimbestiga sa NBI upang magbigay linaw sa kaso ni Reglos.
Kasama ng grand Rhoan na lumutang sa NBI ang nagsisilbing tagapagsalita ng fraternity na si Atty Ariel Radovan.
Sa statement ng fraternity na binasa ni Radovan, sinabi nitong labis nilang ikinalulungkot ang pagkamatay ni Reglos at buong pagpapakumbaba umano silang makikipagtulungan sa pagsisiyasat ng PNP at NBI.
- Latest
- Trending