3 miyembro ng 'Ipit-taxi', kalaboso
MANILA, Philippines - Nagwakas ang pananalasa ng tatlong miyembro ng kilabot na “Ipit taxi gang’ matapos na masakote ng mga operatiba ilang minuto makaraang mambiktima ng isang ginang sa loob ng isang taxi sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Robert Gaza, 34; Gilbert Victoria, 41, kapwa residente ng Tondo, Manila at Jessie Ebol, 39, ng Parañaque City.
Ang tatlo ay dinakip matapos na humingi ng tulong sa pulisya ang kanilang biniktimang si Mary Anne Francisco, 35, ng La Loma Quezon City.
Base sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa Mayon corner M. Cuenco St., Brgy. Sta. Teresita sa lungsod, ganap na alas-3:00 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, sumakay umano ang biktima sa kulay puting CANANEA taxi (UVD-437) sa kahabaan ng Quezon Avenue kanto ng Kanlaon St. para magpahatid sa kanyang bahay.
Pagsapit sa naturang lugar ay huminto ang taxi at biglang sumulpot ang dalawang kalalakihan saka sumakay at inipit ang biktima habang nakatutok ang baril at patalim dito.
Nang makuha ng mga suspect ang gamit ng biktima ay saka pinababa ito sa isang lugar. Pero bago tuluyang makalayo ng taxi, nakuha ng biktima ang plaka nito saka dumulog sa himpilan ng QCPD-Station 1 at nagreklamo.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pu lisya at naaresto ang mga suspect. Positibong kinilala ng biktima si Ebol na siyang driver ng taxi na kaniyang sinakyan habang sina Victoria at Gaza naman ang nanutok ng baril at patalim sa kaniya at kumuha ng kaniyang mga gamit.
Nabawi mula sa mga suspect ang mga gamit ng biktima, isang kalibre 38 na baril at dalawang patalim.
- Latest
- Trending