2 utas sa pinaniniwalaang kaso ng droga
MANILA, Philippines - Dalawang insidente ng pamamaslang na hinihinalang may kinalaman sa sindikato ng droga ang maganap sa magkahiwalay na lugar sa Taguig City, kahapon.
Nakilala ang dalawang nasawi na sina Elias Buenaobra, 34, residente ng Purok 6 Brgy South Signal Village at Vilbie Bejona, 38 ng Brgy Pinagsama, Taguig.
Sa ulat ng Taguig City Police, unang naitala ang pagpaslang kay Buenaobra dakong alas-12 ng hatinggabi sa tapat ng bahay nito. Ayon kay Elmira Malig, kapatid ng biktima nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nang lumabas sila sa bahay, nakita niya ang isang motorsiklo na sumibad papatakas habang duguang nakabulagta ang kanyang kapatid.
Dakong alas-11 naman ng tanghali kahapon nang bigla na lamang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin si Bejona sa kanto ng Service Road C-5 Soutbound at Mangga St., sa naturang barangay.
Nabatid sa ulat na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ng biktima at ang salarin hanggang sa magbunot ng baril ang huli at sunud-sunod na paputukan si Bejona bago mabilis na tumakas.
Inaalam sa ng pulisya kung may kaugnayan sa transaksiyon ng ilegal na droga ang dalawang insidente ng pamamaslang dahil kilala ang naturang mga lugar sa talamak na bentahan ng illegal na droga.
- Latest
- Trending