800 preso nangalampag sa QC jail
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng tensyon sa loob ng Quezon City jail, matapos na magsagawa ng noise barrage ang may 800 miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik para hilingin ang pagsibak sa bagong upong warden nito na si Supt. Josep Vela.
Nakarinig ng malakas na pagsabog, saka naghagis ng mga silya, planggana, bote, at bakal sa gitna ng piitan, habang tinangkang wasakin ng ilang galit na preso ang dingding ng kanilang selda bilang protesta sa umano’y paglilipat ng warden sa kanilang mga lider at pagkuha rin umano sa kanilang pondo na nagkakahalaga ng P135,000.
Tumagal ng halos apat na oras ang noise barrage at napahupa lamang nang simulan ng hanay ni Vela ang pakikipag-negosasyon.
Sa panayam kay Vela, sinabi nito na nag-ugat ang gulo nang magsagawa ng joint ope ration ang kanilang tropa at regional office ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa paglilinis sa bawat selda ng mga preso kung saan nakakuha sila ng sako-sakong mga patalim at matutulis na bagay.
Sinabi ng opisyal, sa selda ng Sigue-Sigue Sputnik nakuha ang bulto ng mga patalim na nakabaon umano sa sahig na semento.
Giit ni Vela, matagal na silang humihingi ng dialogue sa mga itinuturing nilang opisyal ng bawat selda pero ta nging ang Sigue-Sigue Sputnik ang hindi nakikipag-cooperate kaya humingi na sila ng tulong mula sa Regional office para sa paghahalughog.
Tungkol naman sa bintang ng preso sa pera, inamin ni Vela na may nakuha silang pera noong nagsagawa sila ng operation noong nakaraang Sabado pero nasa kustodya na ito ng Regional headquarters para sa safekeeping at wala sa kanyang tanggapan.
May 20 opisyal o lider ng gang ang inilipat ni Vela sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, dahil sa itinuturing umano ang mga ito na maimpluwensyang tao sa kanilang selda.
Alas-12 ng tanghali nang humupa ang tensyon matapos na magkasundo ang panig ng BJMP at grupo ng mga sputnik na maghalal na lamang ng panibago nilang lider.
Wala namang iniulat na nasaktan sa gulo, at pansamantalang sinuspinde ang pagdalaw sa mga preso dito.
- Latest
- Trending