'Ambush me' sa NBI official sinisilip
MANILA, Philippines - Pinagdududahan ng ilang opisyal ng Manila Police District (MPD) ang anggulong ambush at sa halip ay sinisilip ang isyu ng ‘ambush me’ kay NBI deputy director for Technical Service Atty. Reynaldo Esmeralda na naganap nitong Martes ng gabi sa Paco, Maynila.
Una rito, mabilis naman umanong rumesponde ang MPD-Scene of the Crime Operatives (SOCO) at ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa Maynila sa lugar ng insidente subalit wala na silang dinatnan na anumang sasakyan o iba pang ebidensiya tulad ng mga empty shells na nagmula sa sinasabing M-16 armalite rifle na ginamit ng gunman sa pamamaril.
“Kasi kung talagang plinano ka pag inilatag ka na imposibleng makaligtas ka pa, saka yong mga tama daplis lang, mahirap paniwalaan”, ayon sa source.
Bukod pa rito ang hindi ginawang paglaban ni Esmeralda sa riding in tandem na dumikit at rumatrat sa kanila kasama ang kanyang kapatid na si SPO1 Nilo Esmeralda. Naunang sinabi ni Esmeralda, na hindi siya nanlaban sa pangambang maraming sibilyan ang madamay.
Base sa spot report, naganap ang insidente alas-7:45 ng gabi sa kahabaan ng San Gregorio St. sa Estero de Paco, Maynila.
Sakay si Esmeralda at kanyang kapatid sa isang Land Cruiser kulay dark green (XJS 858) nang abangan umano ng riding in tandem na kulay pulang motorsiklo na XRM na ang angkas na gunman ay walang suot na helmet at armado ng armalite.
Kaagad naman umanong minaneho ng isang SPO1 Ostia, back up bodyguard ni Esmeralda ang magkapatid sa pinakamalapit na hospital.
Lumalabas na nagdudugo ang bahagi ng mukha malapit sa tenga ni Esmeralda habang ang kapatid na si Nilo ay tinamaan sa kanang balikat at kapwa nasa maayos na kalagayan sa Manila Doctors Hospital, subalit hindi umano bala kundi mga basag na bubog lamang ng nabasag na salamin ng sasakyan ang sanhi ng sugat.
Sa isang press conference sa QC, sinabi ng kampo ni dating NBI director Magtanggol Gatdula sa pamamagitan ni Atty. Abe Espejo, legal counsel ni Gatdula, ganito din ang kanilang paniwala. Isang insidente umano ng ‘ambush me’ ang pamamaril kay Esmeralda dahil kaduda- duda anyang tinambangan si Esmeralda kahit na may back-up itong tatlong iba pang sasakyan na may lulang mga tauhan ng NBI at hindi man lamang nakaganti.
“We demand public apology, sa ginawa ni DOJ Secretary Leila de Lima na agad na iugnay ang pangalan ni Gatdula sa sinasabing umano’y ambush”, pahayag ni Espejo.
Lumalabas din anya sa inisyal na imbestigasyon na M-16 rifle ang ginamit sa pananambang kay Esmeralda kung saan puno ng tama ng bala ang sasakyan ni Esmeralda pero galos lang ang kanyang tinamo.
Palaisipan din anya kung bakit hindi pina imbestigahan sa mga tauhan ng Manila Police District at CIDG ang crime scene dahil sa malinis na ang lugar nang makarating ang mga nagrespondeng mga pulis doon
Gayunman, masusing iniimbestigahan pa ang insidente. (Ludy Bermudo, Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending