2 utas, 18 sugatan sa road mishap

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang 18 iba pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa punungkahoy sa gilid ng Ortigas Ave­nue sa Pasig City, noong Huwebes ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa Makati City Medical Center  ang mga biktimang sina Eden Malicdum, 50, ng Floodway,Taytay, Rizal; at Sherlene Pegano ng Lot 4, Blk 9, Sitio Pa­yong, Pinagbuhatan, Pasig City.

Samantala, pinauwi na ang iba pang biktima dahil minor injury lamang ang tinamo habang nanatili naman sa ospital sina Juanito Remonte, Elvis Unawa, Jenylyn Garcia, at si Jerwin Fontega.

Nahaharap naman sa kasong reckless driving ang driver ng jeepney (PYY-215) na si Jun Coloma, 25, ng Barangay San Vicente, Angono, Rizal.

Ayon kay PO3 Edwin Cruz, naganap ang road mishap sa tapat ng Fotovera Subdivision, Barangay Ugong kung saan nawalan ng preno ang sasakyan.

Sa halip na makabangga pa ng ibang kasalubong na sasakyan ay ibinangga na lamang ng drayber sa punungkahoy.

Show comments