2 nabagsakan ng pader

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang malubhang nasugatan matapos mabagsakan ng gumuhong pader sa construction site sa Makati City kahapon ng umaga.

Sa report na tinanggap ni P/Senior Supt. Jaime Santos, hepe ng Makati City PNP, kinilala ang mga biktima sina Rizal Gagar, 63; at Pablito Dominio, 62, kapwa nakatira sa nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon  ni SP01 Alfred Reyes ng Station Investigation Division (SID), Makati City PNP, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa kahabaan ng Saint Paul Street sa Barangay San Antonio Village.

Nabatid na hinuhukay ng mga biktima ang gilid ng pader sa construction site upang tanggalin ang nakalagay na pundasyon.

Dahil sa malambot ang lupa dulot ng ilang araw na pag-ulan ay gumuho at bumagsak ang pundasyon na kanilang hinuhukay at bumagsak sa mga biktima.

Naisugod naman sa Ospital ng Makati ang mga biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments