LTO fixer todas sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Todas ang isang lalaki na sinasabing fixer sa Land Transportation Office (LTO) habang sugatan ang dalawa pa matapos na pagbabarilin ng dalawang suspect na riding-in-tandem kahapon ng tanghali sa Marikina City.
Kinilala ni Marikina City chief of Police P/Sr. Supt. Gabriel Lopez, ang biktimang si Mark Anthony Flores, 26, ng Santan St., Brgy. Fortune, ng nasabing lungsod.
Kapwa isinugod naman sa Amang Rodriguez Medical Center sina Aris Espina, 25 at Eduardo Geronimo na tinamaan ng stray bullets sa paa at hita.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng tanghali sa bisinidad ng LTO Marikina Office na nasa J.P. Rizal, Brgy. Sto Niño, Marikina City habang nag-aabang ng kostumer ang biktima at hintuan ng dalawang suspect na sakay ng walang plakang motorsiklo at kapwa nakasuot ng bonnet at saka pinagbabaril ang una.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo ang biktima na namatay sa mismong pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa misis ng biktima, dalawang lalaki ang nagbanta sa buhay ng kanyang asawa matapos na hindi umano mabawi ang halagang P2,500 na ibinayad para sa lisensiya na hindi nito naayos.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang walong basyo ng bala ng baril na kalibre .45 sa lugar ng insidente.
- Latest
- Trending