Kelot timbog sa 22 pirasong pekeng P500

MANILA, Philippines - Arestado ang isang  28-anyos na player ng Bingo electronic machine dahil sa paggamit ng pe­keng P500 sa isang mall sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Kalaboso sa Manila Police District-Station 11 si Sencon Sabidin,   ng Tawi-Tawi St., Maharlika Village, Taguig City matapos ireklamo ni  Christopher Diaz, 33, may-asawa, manager ng New Divisoria Mall Bingo Center, na matatagpuan sa 3rd floor ng Divisoria Mall , Sto. Cristo St., Binondo, Maynila.

Sa report ni PO3 Arnaldo Bernardo, alas-4:30 ng hapon nang itawag sa kanilang presinto ang insidente ng pamemeke ng suspect.

Batay sa salaysay ni Diaz, naglalaro ang suspect sa Bingo electronic machine No. 17 nang mapansin na peke ang huling P500 na hinulog nito. 

Hindi na rin makatanggi ang suspect nang may ma­kuha pa sa kaniyang pag-iingat ng 22 pang pirasong P500 bills.

Ipinasuri ang salapi sa Bangko Sentral ng Pili­pinas­ na kinumpirmang peke ang pera kaya sinampahan ito kahapon ng kasong illegal possession at use of false treasury or bank notes.

Depensa ng suspect, ibi­nigay lang sa kaniya ng kaibigan niyang Muslim na taga-Quiapo ang mga pekeng pera.  

Show comments