DOJ binatikos ng lawyer ni Gatdula
MANILA, Philippines - Pambabastos na umano ang ginagawa ng Department of Justice matapos balewalain nito ang Temporary Restraining Order ng Manila Regional Trial Court kaugnay sa kasong kidnapping na kinasasangkutan ni dating National Bureau of Investigation (NBI) director Magtanggol Gatdula.
Ayon kay Atty. Abraham Espejo, hindi na umano binibigyan ng DOJ ng pagkakataon ang taong sangkot na idepensa ang kanyang sarili tulad na rin ni Gatdula na isinangkot sa kaso ng pagdukot kay Noriyo Ohara.
Kamakalawa ay kinasuhan si Gatdula sa DOJ sa kabila ng pinaiiral na TRO kasabay ng pagbuo ni Prosecutor General Claro Arellano ng panel para magsagawa ng preliminary investigation laban sa una.
Kaugnay nito, sinabi ni Espejo na hindi rin sila titigil sa paglaban dahil nais nilang ipakita walang kasalanan ang kanyang kliyente at iba umano ang motibo ng pagkakatanggal dito. Kasabay nito muling sumalang si Gatdula upang talakayin ang hiling nito na preliminary injunction upang hindi magamit ang anila’y mga ebidensyang iligal na nakuha.
Sinabi ni Gatdula na ikinagulat niya ang nangyaring pagtatanong ng DOJ panel samantalang “invitation” lamang umano ito upang bigyan ng linaw ang kasong kidnapping na umano’y kinasasangkutan ng kanyang mga tauhan.
Paliwanag ni Espejo, kabilang na rito ang mga statement na ibinigay ng mga resource person sa ginawang imbestigasyon ng DOJ panel na pinamunuan ni Justice Usec. Francisco Baraan III. Kinatawan naman ng pamahalaan si Assistant Solicitor General Amparo Tang. Itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 19.
- Latest
- Trending