MANILA, Philippines - Isang beteranong pulis ang nasawi dahil sa tama ng bala sa sentido na iniulat ng mga kapamilya nito na isang aksidente lamang habang naglilinis ito ng kanyang baril, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Nakilala ang nasawi na si SPO2 Virgilio Dolleton, 40, nakatalaga sa Southern Police District (SPD) at dating nanirahan sa Lakeside Subdivision, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-2 kamakalawa ng hapon sa loob ng bahay ng biktima kung saan huling nakita ito ng kanyang misis na naglilinis ng kanyang kalibre .9mm service pistol.
Dito pumailanlang ang putok ng baril at nang puntahan ang biktima ay nakitang duguang nakalugmok na ito. Agad na isinugod ang pulis sa Medical Center Muntinlupa kung saan nalagutan ito ng hininga dakong alas-12:15 kahapon ng hatinggabi.