MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila Police District-Homicide section sa pagkamatay ng isang 28-anyos na misis na binaril sa sentido kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Gloria Akim, 28, ng H.M. Adriatico St., Malate, Maynila.
Isang follow-up operation naman ang ginagawa ng pulisya upang matukoy ang mga suspect na mabilis na tumakas gamit ang isang hindi naplakahang motorsiklo.
Ayon sa report, dakong alas-11:20 ng gabi nang barilin ang biktima sa Alley 5, Brgy. 704, Zone 77, Malate Maynila habang bumibili ng sabon.
Agad na nilapitan ito ng mga suspect at basta na lamang pinaputukan.
Dinala naman sa St. Yvan Funeral Parlor ang bangkay ng biktima para sa awtopsiya habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo sa pamamaslang.