Dalaga biktima ng 'Dugo-dugo gang'
MANILA, Philippines - Mahigit sa isang milyong pisong halaga ng alahas ang natangay sa isang 23-anyos na dalaga nang mabiktima ng hinihinalang ‘Dugo-dugo gang’ sa isang mall sa Ermita, Maynila,kamakalawa ng hapon.
Sa reklamong idinulog ni Margeret Gan, ng Bel-Air. Makati City sa Manila Police District-General Assignment Section, nang hindi siya sinipot ng ina sa mall ng ilang oras na paghihintay ay doon niya na naisip na nabiktima siya ng sindikato.
Aniya, alas-3:00 ng hapon nitong Biyernes nang tawagan siya sa telepono ng inakalang ina niya, na hindi pinagdudahan dahil kaboses naman umano. Binilinan siya na kunin ang mga alahas na nakatago sa kuwarto at magmadali na sumakay na lamang ng taxi papunta sa SM City Manila upang doon sila magkita.
Ang mga alahas umano ay kailangang madala dahil kailangan niya ng malaking halaga para ipagamot ang kaniyang nabundol na lalaki na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.
Bilin pa sa kaniya, huwag magkuwento sa driver ng taxi dahil baka maisuplong siya sa mga pulis at siyang malagay sa alanganin kung malalaman pa ang nangyari.
Nang dumating siya sa mall, sinalubong siya ng isang babae na nasa edad 30, may taas na 5’ at sinabihan siya na napag-utusan siya ng kaniyang ina na kunin ang mga alahas na ibinigay agad niya. Nang umalis ang babae ay sinabihan siya na hintayin na lamang doon ang ina sa mall.
Matagal umano ang kaniyang pinaghintay subalit bigo siyang makita ang ina hanggang sa mahimasmasan ay naisip kung bakit niya ipinagkatiwala ang alahas sa di kakilalang tao.
- Latest
- Trending