Umambus sa pulis, kapwa niya pulis

MANILA, Philippines - Kilala na ang gunman na pumaslang sa isang miyembro ng PNP-Highway Patrol Group kung saan nga sinisilip ang anggulong love triangle na motibo sa pagpatay.

Ayon Kay MPD- Homicide Section chief, Senior Insp. Joey de Ocampo, ang suspect ay sinasabing isang dating pulis na nasibak dahil sa kasong carnapping ay kinilalang si PO3 Rommel Fortuno.

Ang biktimang si SPO1 Rodrigo Llagas Cortez, ay sinundan umano ni Fortuno dahil nakitang kasama nito ang isang alyas “Cindy” na dating live-in partner ni Fortuno at may dalawang anak silang binatilyo subalit matagal nang hiwalay.

Base ito sa nakuhang impormasyon sa testigo.

Sa naging pahayag ng mga saksi, nakita nila ang isang babaeng look-out na nagmamasid sa may Chowking Restaurant sa panulukan ng M. Natividad at Tayuman Sts. at nang barilin na ni Fortuno si Cortez ay bigla itong tumalilis at sumakay sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki at humarurot.

Nabatid na noong Huwebes, alas-9:00 ng gabi nang barilin ang biktimang si Cortez sa balikat habang nasa eskinita ng M. Natividad St. kasama si Cindy at nang akmang bubunot umano ng kaniyang baril ang biktima ay magkakasunod na putok ang umalingaw­ngaw at biglang bumulagta ang biktima.

Sa takot umano ni Cindy ay bigla itong nawalang parang bula.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulis­ya para sa ikaaaresto ng suspect.   

Show comments