Lover ni ex-Rep. Daza, utas sa manugang
MANILA, Philippines - Binaril hanggang sa mapatay ang umano’y lover ni dating Quezon City Congresswoman Nanette Castelo-Daza nang nakaalitang manugang nito sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Noel Olarte, 55, district manager ng kompanyang Unilab at nakatira sa Matiyaga St. Brgy. Central, Quezon City.
Si Olarte ay binawian ng buhay sa lugar ng pinangyarihan ng krimen bunga ng tinamong limang tama ng bala sa katawan.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Anonas Police Station 9 ang akusado na si Allan Robles, 38, Bulacan Provincial Board Member, asawa ng anak ni Daza at nakatira sa bahay nito.
Base sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa mismong tahanan ni Daza sa Maningning St., Brgy. Teachers Village.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, dinalaw umano ni Olarte ang congresswoman sa bahay nito at habang nag -uusap sila ay basta na lamang umano umentra si Allan na ikinairita ng una.
Sa puntong ito, nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang dalawa kung saan inawat sila ni Daza subalit agad na pinagbabaril ni Allan si Olarte sa katawan na duguang humandusay ng oras na iyon.
Napag-alaman naman na dahil sa komosyon, si Daza ay nasugatan at isinugod sa pagamutan.
Nabatid pa sa ilang kapitbahay, basta na lamang nakarinig sila ng mga putok ng baril mula sa loob ng bahay ng pamilya Daza at agad nila itong ipinagbigay alam sa pulisya.
Nakapiit ngayon sa detention cell ng CIDU sa Camp Karingal ang suspek.
- Latest
- Trending