3 pulis na 'naagawan' ng baril nang nag-suicide na Chinese, iimbestigahan
MANILA, Philippines - Isinasailalim na rin sa imbestigasyon ang tatlong pulis-Maynila na kasama at naagawan umano ng baril ng Chinese national na sinasabing nagbaril sa sarili matapos na paslangin rin ang kanyang kasintahan sa lungsod ng Maynila.
Kinumpirma ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) spokesman, Sr. Supt. Danilo Pecana na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Regional Internal Affairs Service (RIAS) kina SPO1 Charles John Duran, PO3 Alonso Layugan at PO2 Jason Ibasco, pawang mga nakatalaga sa Homicide Section ng Manila Police District (MPD).
Sinabi ni Pecana na isa lamang na “standard operation procedure (SOP)” ang naturang imbestigasyon upang mabatid talaga ang naganap na pangyayari at malaman kung may pagkukulang ang mga pulis sa pamamahala sa suspek na si Gong Yu Shang, 25.
Matatandaan na nahuli si Gong noong nakaraang Biyernes makaraang sagasaan at saksakin ang kasintahan na si Zhao Chun Lan sa may Roxas Boulevard, Malate. Ibinibiyahe si Gong sa Manila City Prosecutor’s Office upang pormal na sampahan ng kaso nitong Sabado ngunit nagawang maagaw umano ang baril ni Duran at agad na iputok sa ulo.
- Latest
- Trending