Customs clerk na namaril ng estudyante, lumutang na

MANILA, Philippines - Matapos ang halos dalawang linggong pagtatago, lumutang na ang Bureau of Customs (BOC) clerk na sangkot sa car chase at pamamaril sa isang estudyante sa Pasay City.

Kahapon ng umaga ay humarap na kay BOC Commissioner Ruffy Biazon si Paulino Elevado, ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag hinggil sa kinasasangkutang krimen.

Iginiit naman ni Elevado na hindi sa kanya ang Porsche na ginamit niya na panghabol sa isang estudyante. Isa lamang umano ito sa mga kotseng ibinebenta sa kanyang buy-and-sell business.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng BOC na isasailalim si Elevado sa lifestyle check matapos mapag-alamang umaabot lang sa mahigit P9,000 ang buwanang sweldo nito.

Mananatili munang empleyado ng BOC si Elevado habang dinidinig ang kanyang kaso. May posibilidad naman na masuspindi o tuluyan nang masibak sa puwesto si Elevado, sa oras na mapatunayang guilty ito.

Show comments