Ginang patay, 3 anak sugatan sa kapitbahay

MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang habang nasa kritikal naman na kondisyon ang tatlong anak nito nang saksakin ng kanilang kapitbahay na sinisingil ng una sa utang nitong P200 kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Anna Aguilio, 48, ng Libis Reparo ng nabanggit na lungsod.

Inoobserbahan naman sa Manila Central University (MCU) Hospital ang mga anak nitong sina Justine Anne,15; Arvin John, 13 at Arphel John, 10, nagtamo ang mga ito ng mga saksak sa kani-kanilang katawan.

Hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Ivan Climaco, kapitbahay ng pamilya Aguilio.         

Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-4:10 ng umaga sa loob ng bahay ng mag-iinang biktima sa Libis Reparo ng naturang siyudad.

Nabatid na pumasok ang suspek sa bahay ng mga biktima na may dalang patalim at dito pinagsasaksak ang mag-iina.

Dahil dito, agad na binawian ng buhay ang ginang at ang tatlong anak nito ay mabilis namang naisugod sa nabanggit na pagamutan ng mga kaanak nito.

Nabatid na posibleng nagtanim ng galit ang suspect matapos na singilin ng ginang sa utang nitong P200. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.  

Show comments