Binatilyo nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines - Nagbaril sa sarili gamit ang isang sumpak ang isang 15-anyos na bina­tilyo matapos pagalitan ng kanyang ama sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga­.

Kinilala ang nasawi na si Kim Christian Gamba, out-of-school youth at residente ng F. Varona St., Tondo, Maynila.

Sa ulat ni PO2 Jose Gumilan, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5:45 ng umaga­ nang maganap ang in­sidente sa loob ng kuwarto ng biktima.

Nagulat na lamang ang ama ng biktimang si Alberto Gamba, 42, electrician, nang tawagin siyang “Papa” bago ipinutok ng anak ang hawak na sumpak sa sa­riling dibdib at mabilis ding bumulagta at nawalan ng buhay.

Bago ang insidente, dumating umano ang bina­tilyo sa bahay dakong alas-2:00 ng madaling-araw at natulog, subalit dakong alas-5:00 ng umaga­ ay ginising ito ng kanyang ama at sinabihang ihatid sa eskwelahan ang nakababatang kapatid na si Christian James.

Galit na sumunod ang inaantok pang biktima kaya pinagalitan ito ng kaniyang ama.

Habang pinapagalitan ay muling pumasok sa kuwarto ang binatilyo at kinuha ang nasabing sumpak.

Nabatid na wala ang ina ng biktima, na namama­sukan sa ibayong-dagat­.

Show comments