Canadian biktima ng 'taxi-holdap'sa Maynila
MANILA, Philippines - Nananawagan ang Manila Police District (MPD) sa publiko na maging vigilante mapagmatyag at alerto sa paligid para sa ikalulutas ng mga krimeng nakakasira sa turismo ng Pilipinas.
Ito’y dahil na rin sa lumalalang kaso ng pagtangay at panghoholdap ng mga taxi driver lalo na sa mga pasaherong foreigners tulad ng reklamong inihain ni John Steve Rickaby, 55, business consulant, na tinakbuhan ng taxi na kanyang sinakyan tangay ang mamahaling gamit at pera sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Hindi natukoy ang plate number, pangalan ng taxi, na pinaharurot ng di kilalang driver nito.
Nabatid sa blotter ng MPD-Homicide Section, maraming tao sa tapat ng Times Plaza Mall, dakong 12:00 ng hapon, nang sabihan ni Rickaby na iparada sandali ang taxi, dahil may bibilhin sa isang convenience store, subalit mabilis na humarurot ang taxi, tangay ang kanyang mga damit; laptop computers na Toshiba at Sony; bag na naglalaman ng apat na relos; 2 kuwintas na perlas; may P20,000 halaga pa ito ng “bet” ticket sa Manila Pavillon; 3,000 Canadian dollars at cellphone na Android na may kumbinasyong itim at pula ang casing.
Sumakay umano ang biktima sa tapat ng Oasis Park Hotel sa Paco, Maynila, upang lumipat sana sa H2O hotel sa Ocean Park, sa Roxas Boulevard, Ermita.
Natulala na lamang ang turista at walang nagawa kungdi maghain ng reklamo sa pulisya.
Ayon kay C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng MPD-GAS, kung ang publiko ay makakakita ng kakaibang kilos o eksena sa pagitan ng mga pasahero at taxi driver, lalo na sa mga dayuhan, dapat na maging alerto ang mga nakasaksi na kunin ang pangalan at kulay ng taxi, plate number at hitsura ng driver upang makatulong sa pagresoba ng kaso ng mga nagrereklamong tintangayan ng mga gamit.
Ilang insidente na ang napaulat na madalas biktimahin ng mga ‘taxi-holdap’ ang mga dayuhang may mga bitbit na mahahalagang gamit at pinaniniwalaang ‘gumagala’ sa tourist area, malls sa Ermita at Malate ang mga nasabing taxi.
Mahirap aniyang, i-folow-up ang kaso kung walang deskripsiyon ang sangkot na taxi.
- Latest
- Trending