Chinese national timbog sa 2 kilo ng shabu
MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese national matapos isagawa ang buy-bust operation laban dito kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Sa ulat ng PDEA, nakilala ang suspect na si Claren Chen Go, 35, residente sa lungsod ng Baguio. Ayon kay Atty. Roniel Pe, legal counsel ng PDEA, si Go ay nakuhanan ng dalawang kilo ng shabu na tinangka nitong ibenta sa isang agent nila na nagpanggap na posuer-buyer.
Sinasabing matagal na sinurveillance ng PDEA ang nasabing suspect matapos na makatanggap na report hinggil sa pagbebenta nito ng droga.
Nauna rito, nakipagkasundo muna ang PDEA kay Go na bibili ng isang kilo ng shabu sa halagang P3.6 milyon.
Pumayag si Go sa nasabing halaga basta agad na idedeposito ng ahensya ang halagang P319,000 sa kanyang bank account.
Agad namang naideposito ng PDEA ang nasabing halaga nitong Miyerkules at ang natitirang balanse ay kusang iaabot sa kanya sa napagkasunduang lugar sa may Timog Avenue.
Pasado alas-12 ng hatinggabi nang dumating si Go sa naturang lugar sakay ng kanyang kotse at naglakad patungo sa naghihintay na sasakyan ng poseur-buyer sa may panulukan ng Morato at Timog Avenue.
Nang iabot ng suspect ang droga sa poseur-buyer kapalit ang marked money ay saka siya dinamba ng mga nakaantabay pang mga PDEA agent at inaresto.
Bukod sa isang kilong shabu na iniabot sa PDEA agent, isa pang kilo ng shabu ang nakuha kay Go.
Sa kasalukuyan, si Go ay nasa tanggapan na ng PDEA headquarters sa lungsod para sa patuloy na interogasyon.
- Latest
- Trending