Insurance agent binurdahan ng saksak
MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang 52-anyos na babae makaraang manlaban nang pagnakawan ng nag-iisang salarin sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Rosalia Gonzales, insurance agent ng Brgy. Talipapa, ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong maraming saksak sa katawan.
Mabilis namang nakatakas ang itinuturong responsable sa krimen na kinilalang si Alejandro Astero, 45, trabahador sa isang talyer malapit sa parking lot sa Brgy. Talipapa.
Batay sa inisyal na ulat ng QCPD-CIDU, nangyari ang insidente pasado ala-1:00 ng madaling-araw kahapon sa parking lot sa nasabing lugar.
Tadtad ng mga saksak sa mukha at braso si Rosalia Gonzales, na palatandaan na ito’y nanlaban sa suspek.
Itinuturong si Astero ang responsable sa pamamaslang dahil siya umano ang huling nakita sa naturang lugar bago nangyari ang krimen at natagpuan din sa pinangyarihan ng krimen ang kaputol ng silver na kwintas niya.
Pagnanakaw ang nakikitang motibo sa pagpatay kay Gonzales dahil nawawala ang bag ng biktima.
- Latest
- Trending















