Estudyante nang-hostage ng school clerk
MANILA, Philippines - Hinostage ng isang estudyante ang isang empleyeda ng Navotas Polytechnic College (NPC) makaraang malaman ng una na may dalawa siyang incomplete subject, kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Matapos naman ang limang oras na negosasyon, pinakawalan na rin ng suspect na si Esmeraldo Yarcia III, 27, dating estudyante sa nabanggit na paaralan ang hinostage na si Amy Perez (hindi ang television host), 30, clerk sa NPC. Nasa custody na ng Navotas City Police ang suspek na si Yarcia.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga sa loob ng tanggapan ng administration office ng NPC, na matatagpuan sa Bangus at Apahap Sts., Brgy. NBBS ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na kinuha ng suspek ang kanyang transcript of record sa NPC at doon nadiskubre na may dalawa siyang incomplete subject. Nagkataon namang naka-duty ang biktimang si Perez.
Biglang naglabas ng patalim ang suspek, tinutukan ang biktima hanggang tuluyan itong hinostage.
Agad na nagresponde ang pulisya gayunman, hindi nakipag-usap sa kanila ang suspect kundi ang nais ay media.
Dumating naman si Navotas Cong. Toby Tiangco na kumausap at pumayapa sa suspect hanggang sa sumuko ito sa kanya at tuluyang binitawan ang bihag.
- Latest
- Trending



















