Chinese trader, nilooban saka pinatay
MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng apat na hindi pa nakikilalang salarin ang isang Chinese businessman habang sugatan naman ang misis at kasambahay nito matapos pasukin ang kanilang laundry shop kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Kelvin Chioa, 35, may-ari ng Bulls Eye Laundry Shop habang sugatan naman ang misis nitong si Charlene, 32, kapwa residente ng Yakal St., Sta. Cruz. Ang mag-asawa ay nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nabatid na kinuha ng mga suspect ang lahat ng kita at mga alahas gayundin ang mga gamit ng mga biktima kung saan tinangay din ang puting Toyota Corolla (UNV-106) ng pamilya.
Dinala rin ng mga suspect ang apat-na-taong gulang na anak ng mag-asawa.
Nasa kritikal na kondisyon naman ang yaya ng bata na si Maricel Librando, 25, matapos na saksakin ng paulit-ulit ng mga suspect. Sinasabing prinotektahan ni Librando ang bata mula sa mga suspect.
Ayon kay MPD Homicide Section head Senior Inspector Joselito de Ocampo, naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa mismong bahay ng mga biktima.
Kasalukuyang natutulog ang mga biktima nang magising ang isa sa mga kasambahay na si Jane Macaraig, 21, dahil sa malakas na katok mula sa gate.
Dito nakita ni Macaraig ang apat na lalaki at nagpakilalang mga machine maintenance mula sa ibang branch. Nabatid na mayroon pang dalawang branch ang laundry shop ng mga biktima.
Nang tumanggi si Macaraig na papasukin at sabihin na wala siyang nalalamang schedule, sinabihan na lamang umano siya ng mga suspect na iiwan ang backpack hanggang sa itulak ang gate at makapasok.
Dito na nagsimulang maghalungkat ang mga suspect habang nakatutok ang kutsilyo kina Macaraig at kasamahan nitong sina Jenny Rose Puno,19, at Wilson Clores, 21. Agad na nilagyan ng packaging tape ang tatlo.
Matapos dito ay umakyat ang mga suspect sa ikalawang palapag kung saan naroon ang kuwarto ng mga Chioa.
Unang tinungo ng mga suspect ang kuwarto ni Librando na agad namang nagising at humingi ng tulong subalit agad na sinaksak ng mga suspect.
Dito naman narinig ni Kelvin, ang paghingi ng tulong ni Librando subalit ito naman ang pinagsasaksak ng mga suspect. Sasaklolo naman si Charlene kay Kelvin subalit sinaksak din ito ng mga suspect.
Mabilis na tumakas ang mga suspect kung saan sinasabing tinangay ang bata upang gawing hostage subalit iniwan ding umiiyak sa panulukan ng Anacleto at Alvarez Sts.
- Latest
- Trending