'Not guilty' iniharap ng 3 pang suspect sa Ramgen slay
MANILA, Philippines - Naghain ng not guilty plea ang tatlo pang suspek sa kontrobersyal na Ramgen Revilla slay sa pagbasa ng sakdal sa kasong murder at frustrated murder sa Parañaque City Regional Trial Court kahapon ng umaga.
Binasahan ng sakdal sina Glaiza Visda, Norween dela Cruz, at Ryan Pastera sa sala ni Judge Fortunito Madrona ng RTC branch 274. Itinakda naman ni Madrona ang “pre-trial” ng kaso sa Marso 1.
Matatandaan na itinuturo sina Visda at Dela Cruz na kasamang nagplano at naghanap ng mauupahang hitman na pumaslang kay Ramgen habang si Pastera naman umano ang direktang “link” sa mga gunmen at sa magkapatid na RJ at Ramona Bautista na sinasabing nagpapaslang sa kanilang kuya.
Binawi naman rin kahapon ni Atty. Melinda Salcedo ang nauna nilang mosyon na ilagay ang kanyang kliyenteng si Pastera sa pangangalaga ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa natatanggap na banta sa kanyang buhay.
Kasalukuyang may kumpiyansa naman sila sa Parañaque City Jail kung saan nakadetine ngayon si Pastera kasama ang iba pang mga akusado sa krimen.
Naghain naman ng mosyon ang mga abogado ni Janelle Manahan upang gawing lingguhan ang pagdinig ng kaso simula Marso 1 upang mapabilis ang pagkamit ng hustisya sa mga biktima.
- Latest
- Trending