MANILA, Philippines - Isang 28-anyos na hinihinalang ‘tulak’ ng iligal na droga ang napatay nang barilin umano nito ang isang tauhan ng Manila Police District (MPD) habang naglalakad patungo sa isang police outpost sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si Richard Felicidario, ng #1323 Int.14 Quiricada St., Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo habang sugatan naman si PO2 Jhenerio Bautista, matapos barilin ng kalibre .38 baril ni Felicidario.
Arestado naman ang live-in partner nitong si Jeanne Lorraine Balena, 25. Si Balena ang nag-abot umano ng baril kay Felicidario. Sasampahan ito ng kaso bilang accomplice sa pamamaril sa pulis.
Sa report ni PO2 Bernardo Cayabyab ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:45 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang insidente sa tapat ng JRMMC, panulukan ng Rizal Avenue at San Lazaro St., sa Sta. Cruz, Maynila.
Bago ang barilan, sinita umano ni PO2 Jayson Garcia ang tricycle na minamaneho ng isang Romy Andrade na sinasakyan ni Felicidario at Balena dahil sa walang plaka.
Wala umanong lisensiya si Andrade at wala ring anumang dokumento ng tricycle kaya inutusang dumiretso sa isang police outpost ang tricycle subalit napansin umano ni Garcia ang pagti-text ni Felicidario kaya kinuha ang cellphone at binasa ang mga mensahe at doon natuklasan na may pupuntahang ka-transaksiyon umano sa droga.
Nang mapuna umano ni Garcia na may inabot na baril si Balena kay Felicidario ay nag-agawan sila nito na tiyempong napadaan ang nagpapatrulyang grupo na kinabibilangan nina SPO3 Rogelio Avellera, PO2 Jhenerio Bautista at PO2 Joseph Gutlay, pawang nakatalaga sa MPD-Station 3 na nakakita sa komosyon.
Nang bigla umanong may pumutok at tumama sa puwet ni Bautista kaya gumanti ng putok si Gutlay at binaril sa ulo si Felicidario.
Si Felicidario umano ay may nakabinbing kaso sa korte na may kaugnayan sa iligal na droga.