MANILA, Philippines - Patay ang isang Fil-Canadian makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspect na napatay din ng mga tauhan ng Taguig City Police matapos ang engkuwentro kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Gerry Panodera na kararating lamang noong Disyembre mula sa Canada habang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing salarin.
Narekober sa mga bangkay ang isang kalibre .45 baril at cal. 9mm. pistol na ginamit sa krimen gayundin ang dalawang bag na naglalaman ng mga damit na hinihinalang gagamiting pamalit ng mga suspect para hindi matukoy.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), kalalabas lamang ng bahay ng biktima dakong alas-7 ng umaga sa may Purok 6, Brgy. Lower Bicutan nang salubungin ng dalawang lalaki sa tapat ng isang gasoline station at sunud-sunod na pinaputukan.
Sumakay umano ng pampasaherong jeep ang mga salarin sa kanilang pagtakas ngunit lingid sa kaalaman ay naispatan sila ng mga opisyal ng barangay sa lugar na tumugis sa kanila.
Nang maipit sa trapiko, bumaba ng jeep ang mga salarin na kaswal na naglakad ngunit napansin na sinusundan na sila ng mga tanod at pulis kaya nagkanya-kanyang takbo.
Isa sa salarin ang agad na nakipagbarilan sa mga otoridad kaya gumanti ang mga pulis sanhi ng agad nitong kamatayan. Nagawa namang makatakbo at makapagtago ng ikalawang salarin ngunit natunton rin ito ng mga otoridad sanhi ng panibagong barilan at pagkasawi nito.
Ayon sa pamilya ng biktima, posibleng ang nakagalit ni Panodera noong Disyembre ang responsable sa krimen.
Nakagitgitan umano ng sasakyan ni Panodera ang hindi pa nakikilalang lalaki na tinangka siyang barilin kung saan pinagbantaan pa umano ang biktima na ipapapatay.
Gayunman, sinabi naman ni SPD spokesperson Chief Insp. Jenny Tecson, na hindi naman nila inaalis na posibleng tangka ding holdapin ng mga suspect ang biktima subalit nabigo ang mga ito.