Taxi driver pumalag sa holdap, utas
MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver makaraang barilin ng pasahero nitong holdaper sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Si Simeon Palattao, 52, ng DM compound, Caloocan City ay nagawa pang maisugod sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara ring dead-on-arrival dahil sa isang tama ng bala sa leeg.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay natagpuan ni Cresencio Aguilar, barangay tanod habang duguang nakalugmok sa may Dangay St., Brgy. Veterans Viillage, ganap na alas-10:15 ng gabi. Sinabi ni Aguilar na nakita niya ang suspect na nakasuot ng puting-t-shirt at maong na short pants at papalayo sa nasabing taxi.
Bago nito, nagpapatrulya sila ng kasamahan sa lugar nang madaanan niya ang kahihinto pa lamang na taxi sa lugar. Mula sa loob ay napuna umano niyang nagpapambuno ang taxi driver at isang pasahero nito.
Ilang sandali, nakarinig na lamang umano sila ng malakas na hampas ng pinto ng taxi at basag ng salamin, hanggang sa makita niya ang biktima na duguan sa loob ng taxi.
Tinangka pang habulin ni Aguilar ang suspect pero dahil sa bilis ng takbo nito ay nabigo siyang abutan ito. Dito na nila itinakbo ang biktima sa nasabing ospital kung saan ito binawian ng buhay.
Sa pagsisiyasat, narekober sa lugar ang isang clutch bag na naglalaman ng P8,000 na sinasabing nais kunin ng suspect sa biktima pero dahil pumalag ang huli kung kaya nabigo ito.
Ayon sa kasamahan ng biktima, madalas umanong sabihin ng biktima sa kanila na nag-iipon siya ng pera para may magamit pag-uwi sa probinsiya kung kaya ganoon na lang marahil ang paglaban nito sa suspect para hindi ito makuha.
- Latest
- Trending