MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang pagbabarilin ang mga ito ng dating live-in partner ng isa sa biktima sa loob ng kanilang bahay sa Taguig City kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na ulat, nakilala ang mga nasawi na sina Flordeliza Rapales, 53, at mga anak niyang sina Godofredo Jr., 26 at Norberto, 22.
Isinugod naman sa Ph ilippine General Hospital ang isa pang anak ni Flordeliza na si Miraflor Rapales, 20, na nasa kritikal na kondisyon dahil sa tama ng bala sa mukha.
Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na nakilalang si Marc Capurcos, 23, dating live-in partner ng biktimang si Miraflor.
Nabatid na naganap ang masaker sa bahay ng mga Rapales sa Brgy. Upper Bicutan sa naturang lungsod dakong alas-9 ng gabi.
Ayon sa isa sa kaanak ng mga biktima, narinig nila na nakikipagtalo ang suspek kay Miraflor hanggang sa makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nakita nilang humahangos na lumabas ng bahay ang suspek at saka tumakas makaraan ang pamamaril.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig City Police na matagal nang nakikipaghiwalay si Miraflor kay Capurcos dahil sa masamang ugali nito. Nagulat na lamang ang pamilya Rapales nang dumating sa kanilang bahay ang suspek na armado ng baril at pagbabarilin ang mga biktima.
Narekober sa lugar ng krimen ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 baril.
Patuloy naman ngayon ang paghahanap ng pulisya sa suspek upang madakip at mapanagot sa krimen.