Tenants ng Ayala Alabang hihigpitan
MANILA, Philippines - Ibayong paghihigpit pa ang ipatutupad ngayon sa mga tenants sa ekslusibong subdibisyon na Ayala-Alabang Village makaraan ang pagkakatuklas sa tatlong shabu laboratory sa loob nito.
Ito’y makaraan ang pagpupulong sa pagitan ng mga opisyales ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Brgy. Ayala-Alabang Chairman Alfred Xerex Burgos at Ayala Alabang Village Association president Dr. Leandro de Leon.
Dito napagkasunduan ang mahigpit na “profiling” o pagtukoy sa pagkakakilanlan sa mga tenants, pagsasagawa ng “background check” sa mga personalidad na nais umupa sa mga bahay sa subdibisyon, pagbibigay ng “visiting rights” sa may-ari upang mainspeksyon ng regular ang mga pinauupahan, at pagsasagawa ng “information at educational campaign” sa mga residente.
Sinabi ni Omar Acosta, tagapagsalita ni Mayor Aldrin San Pedro, na importante na makilala muna ang background ng mga nais umupa sa mga real property hindi lang sa loob ng Ayala Alabang Village ngunit maging sa ibang lugar upang matiyak na hindi gagamitin ang ari-arian sa iligal na gawain.
Matatandaan na unang sinalakay ng mga tauhan ng PDEA ang isang shabu lab sa loob ng Ayala Alabang Village nitong nakaraang Enero 7 kung saan limang Chinese national ang nadakip at sinundan pa ng pagkakadiskubre sa dalawa pang shabu lab nitong Enero 14 sa naturang subdibisyon.
- Latest
- Trending