Pugante nadakma sa Valenzuela
MANILA, Philippines - Isa sa limang preso na tumakas mula sa Cagayan Provincial Jail ang iniulat na nasakote ng pulisya kamakalawa sa Valenzuela City.
Kinilala ang puganteng si Romeo Tasi, 27, tubong Cagayan, may kasong robbery-in-band.
Sa record ng pulisya, nabatid na noong Agosto 21, 2011 ay nadakip si Tasi dahil sa kasong kinakaharap nito subalit, noong Disyembre 11, 2011 ay pumuga, kasama ang apat pang presong sina Christopher Tasi, Romer Romero, Jainang Cai, at si Vincent Badajos.
Nabatid, na nakatanggap ng impormasyon si P/Senior Supt. Jude Santos, hepe ng Caloocan City PNP mula sa Cagayan, na ang presong si Romeo ay nagtatago sa Valenzuela City.
Kaagad na nakipag-coordinate ang Caloocan City PNP sa Valenzuela City PNP kung saan nadakip si Romeo sa pinagtataguan nitong bahay sa Tampoy 2, Barangay Marulas sa nasabing lungsod.
Napag-alaman na noong Disyembre 28, 2011 ay naunang nadakip ng mga pulis si Christopher sa Arayat, Pampanga.
Pinaghahanap pa ang mga presong sina Romero; Cai at Badajos kung saan may pabuya na P.2 milyon sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga ito.
- Latest
- Trending