Trader 'di-nabayaran sa P.2M pinautang, nag-suicide

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang hindi na makayanan ng isang negosyante ang mga inililihim na problema kaya nagpasya itong mag-suicide matapos magbaril sa sarili sa Pasig City kamakalawa.

Natagpuan ang suicide note na nagsasaad ng mga katagang “Hindi ko na kayang dalhin ang problema,” ang nakuha sa tabi ng biktimang si Ernesto Manartis, 43, ng #26 Urbano Velasco Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Harold Mangaoi­l ng Station Investigation De­tection Management Branch ng Pasig City PNP, nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon nang matuklasan ng kanyang anak ang ginawang pagpapakamatay ng ama sa loob ng kanilang tahanan.

Nakasaad din sa suicide note ang pag­hingi nito ng tawad sa kanyang pamilya at sa Diyos.

Duguang nakasandal sa sofa ang biktima at may tama ng bala ng cal.9mm baril sa kaliwang bahagi ng kaniyang dibdib na tumagos sa puso.

Nakuha rin sa tabi ng biktima ang baril na ginamit nito sa pagpapakamatay, gayun­din ang magazine ng bala.

Sa nakalap na impormasyon ni Mangaoil­, lumilitaw na posibleng ang tinutukoy na problema ng biktima ay ang pagpapautang nito ng P. 2 milyon sa isang kaki­lala na ngayon ay tumatangging magbayad.

Sa kabila naman nito, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

Show comments