2 negosyante biktima ng holdap sa Caloocan, Malabon

MANILA, Philippines - Dalawang negosyante ang hinoldap sa magka­hiwalay na lugar sa Caloocan at Ma­labon kama­kalawa ng gabi.

Batay sa report ng Caloocan City Police, hinoldap si Jimmy Lim, 43, ng Kabulusan St., ng nasabing lungsod dakong alas-9:00 kamakalawa ng gabi.

Nabatid na sakay ang biktima at asawa nito   ng isang pedicab nang harangin ng mga suspect habang binabagtas ang kahabaan ng Tilapia St., Dagat-Dagatan ng lungsod na ito na sakay naman ng tricycle.

Dalawa dito ang bumaba at tinutukan ng baril ang mga biktima at kinuha ang P15,000 cash at alahas na aabot sa P15,000 ang mga ito bago tumakas.

Samantala, anim na holdaper naman ang bumiktima sa negosyanteng si Efren Barnachea, 48, nakatira sa Gumamela St., Ba­rangay Longos ng naturang siyudad­.

Sa pagsisiyasat ng pu­lisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali. Naglalakad ang biktima sa kahabaan ng  Gumamela St., ng naturang lungsod nang hara­ngin ng mga suspect.

Habang nakatutok ang mga baril ay kinuha ng mga suspect ang pera, gintong kuwintas at cellphone na aabot sa P33,000 bago tumakas­ sakay ng tatlong motorsiklong hindi na nakuha ang mga plaka.

Show comments